Tuesday, February 26, 2008

Ikalabingsiyam na Kabanata


19

Payapa ang takbo ng bus papuntang Lucena habang nahihimbing ang mga mountaineers maliban kay Monroy at Richard. Ayaw patulugin ni Monroy ang kaibigan hangga’t hindi nito isinasalaysay ang napanaginipan nitong bangungot. Ilang linggo na itong umiiwas na pag-usapan ang masamang panaginip.

“Ganito na lang, kwento ko sayo kapag tayo na lang dalawa. Maraming makakarinig dito sa bus.” sabi ni Richard.

“Ayan ka na naman.Dialogue mo na yan two weeks ago pa.Bakit hindi pa ngayon?” tanong ni Monroy.

“May sasabihin pa ako sayong mahalagang bagay.Sa ngayon, matulog muna tayo, tol.” sabi ni Richard.

“O sige idlip na tayo. Kwento mo mamaya sa bundok.” sabi ni Monroy.

Makalipas ang mahigit dalawang oras na paglalakbay ay nagising si Monroy sa tapik ng kunduktor ng bus.

“Boy, aakyat ba kayo ng Banahaw?” tanong nito sa binata.

“Oho.” tipid na sagot niya.Tinapik niya si Richard na agad namang nagising.

“Malapit na tayo sa San pablo. Gisingin mo na mga kasama mo.” utos ng kunduktor.

“Sige salamat.”sabi ni Monroy.

Mabilis na ginising ng magkaibigan ang mga kasama. Nagpaalala si Jay na siguraduhing walang maiiwan na gamit sa upuan at compartments. Huminto ang bus sa isang kalye sa San Pablo at nagsibaba dito ang mga mamumundok.

“Sa wakas! Nasaan ang bundok?” tanong ni Jeff.

“Sasakay pa tayo ng jeep.Atat ka naman.May naririnig na akong parating.” wika ni Lily sa binata.

“Ayan na ang jeep!” hiyaw ni Tomy. Isang bagong miyembro na tulad ni Jeff ay nasasabik makaakyat.

“Halatang ito ang unang bundok na aakyatin mo!Tingnan mo si Kim, first-timer pero ayaw pahalata.Hahaha!” saad ni Lanie kay Jeff.

Nang maiabot ang bayad sa drayber ng jeep ay nagsi-akyat ang lahat upang makaupo.Hindi sapat para sa kanilang lahat ang upuan. Anim lang ang bakanteng upuan kaya’t nagpasya si Monroy, Williard at Richard na pumuwesto sa bubong ng sasakyan.

“Monroy, ako na lang sa bubong.” sigaw ni Lanie.

“Diyan ka na,Lanie. Malaglag ka pa at mapurnada ang akyat.Hehehe.”sabi ni Monroy.

Inilagay ng tatlo ang kanilang backpacks sa loob ng dyip at saka sumampa sa bubungan.Nang makasiguro sa pagkakaupo ang magkakaibigan ay umandar na ang behikulo.
Tahimik sa loob ng dyip dahil sa ilang matatandang sakay nito.Pigil ang kasabikan ng lahat upang hindi makaistorbo sa iba pang pasahero. Binasag ni Lanie ang katahimikan.

“Mga kasama, may lamay ba dito?” biro ni Lanie.

“Hahaha!Nakakatuwa ka talaga!” sabi ni Tomy.

“Sa wakas, makikita ko ulit si Pareng Banahaw!Yahoo!” masiglang sabi ni Lanie.

“Shhhhh…” saway ni Kim, isa ding bagong miyembro.

“Uy si Kim,hindi yata excited.” sabi ni Lanie.

“Excited ako!Kaya lang nakakahiyang mag-ingay dahil hindi lang naman tayo ang nandito sa loob ng jeep.” pahayag ng dalaga.

Nayamot ang isang matandang pasahero dahil sa ingay ni Lanie.Nagsalita ang katabi nito.

“Mga iho at iha, kung ganyan kayo kaingay na aakyat sa Banahaw ay gagambalain niyo lang ang mga espiritu.Baka singilin kayo sa pagbaba niyo.Tandaan niyo na bisita lang kayo ng bundok.” sabi ng matandang babae.

Nanahimik ang mga mountaineers ng marinig ang sinabi ng matanda. Inilabas ng ilan ang kanilang cellphones at nilibang ang sarili sa paglalaro. Si Tomy ay nakinig na lang ng musika sa kaniyang MP3 player. Si Lanie ay naidlip. Sa bubungan ng dyip, masaya si Monroy , Williard at Richard. Nagagalak ang tatlong magkakaibigan sa kanilang namamasdang tanawin. Mga luntiang puno at masisiglang ibon na nakikipaglaro sa hangin. Panay ang kuha nila ng mga larawan kaya’t pansamantala nilang nakalimutan ang kasagsagan at kaguluhan ng Maynila. Makalipas ang mahigit tatlumpung minuto ay natanaw nila ang baranggay ng Santa Lucia sa Dolores Quezon mula sa bubungan ng sasakyan.

“Banahaw, here we come!” sigaw ng tatlong magkakaibigan.

Matapos makababa ng sasakyan ang lahat ng mountaineers ay naglakad sila patungo sa Kinabuhayan, ang purok sa paanan ng bundok. Nagsalita si Jay, ang lider ng grupo.

“Mga kasama, may maliit na bamboo house doon sa tabi ng ilog. Pwedeng umidlip ang gustong magpahinga. May isang oras tayo para maglibot at magtingin-tingin sa paligid. Eksaktong 8:30 ang akyat natin.” pahayag ni Jay.

Nagkalat ang mga komersiyal na establisamiyento sa baranggay Kinabuhayan. Kabi-kabila ang bilihan ng mga kakanin, gulaman at halu-halo, souvenir shirts, aksesorya tulad ng kwintas, pulseras, at ang bantog na lambanog ng Quezon. Marami ding mga tindahan ng anting-anting at mga kakatwang bagay na ayon sa mga tagapagbenta ay may kinalaman sa mahika. Isang tindahan na binabantayan ng mag-asawang matanda ang nakakuha ng atensyon ni Monroy, Williard at Richard. Ang maliit na tindahan ay yari sa pawid na kinulayan ng itim na pintura. Naka-displey sa isang istante ang maliliit na botelya at garapa na may kakaibang mga laman sa loob. Mayroon ding ilang kwintas at panyo na nakasabit sa dingding ng dampa.

“Magandang umaga po sa inyo. Ano po iyon?” tanong ni Monroy habang nakaturo sa isang garapon na may lamang itim na bagay.

“Ito ay buhok ng aswang.” sagot ng matandang babae. “Kontra-aswang ito.”

“Anong uri ho ng aswang?” tanong ni Monroy.

“Buhok ito ng isang “balbal”.” sagot ng tindera.”Kontra-buso ito.”

“Edi ba ho, hindi naman pumapatay ng tao ang mga buso? Para saan pa yan?” balik-tanong ni Monroy.

“Kapag walang mahukay na patay sa sementeryo ang mga buso, peste sila sa mga manok at kalapati. Ilagay mo ito sa sa lugar na makikita ng buso. Matatakot iyon na gambalain ang iyong manukan.Pinapatay ng mga balbal ang mga buso para wala silang kumpetensya sa karne ng tao kaya’t takot dito ang mga buso!” paliwanang ng matandang lalake.

“Wala naman tayong manukan! Hehehe. Meron po ba kayong panlaban sa ibang mababangis na aswang?” pabirong sabi ni Richard.

“Guys, nauuhaw ako. Order ako ng halu-halo doon. Sunod na lang kayo ha.” sabi ni Williard. Humiwalay siya sa dalawa at nagpunta sa tindahan ng halu-halo.

“Ang mabuti pa ay itong kontra-tiktik ang bilhin niyo. Mayroon ngayong dalawang buntis sa baranggay at kabuwanan na nila . Kapag hindi magtagumpay ang tiktik na malapa ang bata sa tiyan, maghahanap iyon ng ibang biktima.Sandali lang, bakit kung kailan bilog ang buwan ay saka kayo aakyat ng Banahaw?” walang putol na salita ng matandang babae.

“Muntik na nga pong hindi matuloy dahil sa mutiny last week.” sabi ni Richard.

“Anong mutiny?” tanong ng matanda.

“Wala po yon.” siniko ni Monroy si Richard. “ Ano po ba ang kontra-tiktik na ibinibenta niyo?”

“Bilhin nyo itong gulugod ng “piyasik”, ang pinakamabalasik na aswang! Ang tatay ko ang nakapatay sa piyasik na ito. Ito ang pinakamabisang amuleto hindi lamang sa tiktik kundi sa lahat ng uri ng aswang!” paliwanag ng matandang lalake sa hawak nitong kwintas na may palawit na buto.

“Piyasik? Ano yun,best friend?” tanong ni Richard kay Monroy.

“Monroy, Richard, anong meron diyan?” sigaw ni Jeff mula sa tindahan ng halu-halo.

Nilingon ni Monroy si Jeff at sinenyasan ito na susunod na sila. Bitbit ang dalawang baso ng pamatid-uhaw ay lumapit ito sa kanila upang tingnan ang kanilang ginagawa. Bago pa makarating si Jeff sa tindahan ay biglang nagalit ang dalawang matanda kay Monroy at Richard.

“Niloloko niyo yata kami.Lumayas kayo dito, ngayon din! Sulong!” sigaw ng matandang mag-asawa.

Nagtatakang naglakad palayo sa tindahan ng amuleta si Monroy at Richard.Sinalubong nila si Jeff na nais sanang tumingin din ng pwedeng mabiling anting-anting.

“Bakit kayo umalis? Anong nabili niyong anting-anting?” tanong ni Jeff.

“Wala nga eh dahil biglang nagalit yung mag-asawa.Hahaha!” sagot ni Richard.

“Balik tayo dahil gusto kong bumili ng anting-anting laban sa engkanto.” yaya ni Jeff sa dalawa.

“Ito kasing si Richard panay ang tawa. Ikaw na lang ang pumunta, Jeff dahil baka matunaw na yung halu-halo na inorder ni Williard.” wika ni Monroy. Pagkasabi ay nakilahok si Monroy at Richard kay Williard sa pagkain ng pamatid-uhaw sa tindahan.

Pumunta si Jeff sa tindahan ng amuleto upang tumingin ng talisman panlaban sa mga engkanto. Palapit pa lang siya sa tindahan ay mabilis na lumabas ang matandang mag-asawa at kumaripas ng takbo patungo sa likod ng dampa. Nagkakamot sa ulo na pinuntahan ni Jeff si Lily sa bamboo house upang kainin ang biniling halu-halo para sa kanilang dalawa.

Makalipas ang isang oras ay nagtipon-tipon ang mga mountaineers sa tabing-ilog. Nilagyan nila ng tubig ang kanilang mga imbakan. Ang iba ay naghilamos at naglinis ng katawan. Panay ang kuha ng litrato ni Monroy, Richard at Williard. Si Kim, ang mapamahiin, ay nagdasal sa “Bakas”, ang pinaniniwalaang yapak ni Hesukristo.

Nakahanda na ang lahat sa pag-akyat. Bilang lider ay nasa unahan si Jay. Si Lily naman ang naatasang maging “middleman” kahit siya ay isang babae. Nasa gitna ng hanay ang kaniyang posisyon. Ang “sweeper” o buntutan ay si Lanie. Labinlimang minuto bago mag alas-nuebe ay sinimulan ng mga mountainers ang pag-akyat.

7 comments:

Ronald said...

Call the doctor QUICK!!! An article about how doctors save and fail lives. (^^,)

Just blog hopping.. Hope you read the article! Thanks! - Ronald

superym said...

nakakabitin.

tapos...

Anino said...

Ronald,salamat sa pagdalaw.

Superym, bitin ba talaga?Maganda ang Kabanata 20!

Anonymous said...

hello anino, CONGRATS sating dalawa. dont mind kung sino una o pangalawa basta sakin masaya ako't nakilala kita. madali maka kuha ng award sa ano mang larangan pero mahirap maka kuha ng isang kaibigan. saludo ako sayo pare kase welcome na welcome ako sayo dito sa blog mo nung una kong pumunta dito...Again, Good Luck ulit sating 2 sana manalo ulit tayo masaya ako sa pag tanggap mo sakin dito sa blog. GOD BLESS US ALL...

Anonymous said...

anino please keep this award from the bbottom of my heart...

http://i238.photobucket.com/albums/ff250/Peace-Lissen/Friendship/add-2.jpg

Anino said...

Dinand,huwag mo sanang isipin na ako ay nagdadalamhati.Base sa aking pagtitimbang ng mga datos, hindi mananalo ang blog ko kaya't wala namang dahilan pa para sumali sa poll.Sayang ang isa pang posisyon para sa bagong blog.

Anonymous said...

The information you provide is very nice.
seo uzmanı, google uzmanı, kpss, altılı uzmanı. Thank you very, very valuable admin.