Saturday, January 24, 2009

Ang katapusan





Una sa lahat, nais kong humingi ng tawad sa mga mambabasa at kapwa bloggers sa kadahilanang hindi ko na maitutuloy pa ang nobelang Madilim na Kasaysayan. Mali, patuloy ko pa rin itong isinusulat. Ang aking ipinagpaliban ay ang paglalathala ng mga kabanata. Sana naman ay mapatawad niyo ako.

Ang ikalawa ay ang aking absensya sa mundo ng blogging. Matagal din akong nawala sa sirkulasyon dahil muntik na akong mamatay sa trabaho. Hindi naman konstruksyon ng gusali o dam o iba pang delikadong okuspasyon ang aking trabaho. Ako ay isang guro na inaalila at minamaltrato sa aking eskwelahan. Daig ko pa ang makina ng ATM. Mabuti pa ang mga ito, maaring mag-offline samantalang ako ay 24 oras na abala. Kapag nakakasalubong ko nga ang prinsipal namin ay si Kamatayan ang nakikita ko. Yung dala niyang bolpen ay mistulang karit na kayang putulin ang aking paghinga anumang oras.

Bigyan niyo naman ako ng payo kung paano ko magagantihan ang bruhang punong-guro dito. Ang isa kong naisip ay butasin ang mga gulong ng kaniyang kotse. Mayroon na ba sa inyong nagawa ito? Anong instrumento ang pinaka-epektibo? Kailan ang pinaka-huwarang oras?

Iyan po ang unang sulyap niyo sa aking personal na buhay.
Na-miss ko talaga ang blogging. Na-miss ko ang pagbabasa ng mga entrada niyo. Sa ngayon, ang pinakamahalaga ay nakabalik na ako. Mali, ang pinakamahalaga pala ay ang plano kong paghigantihan ang halimaw na edukador dito sa eskuwela. Ikalawang mahalaga ay nakabalik na ako sa daloy.

Ito na ang katapusan ng aking katahimikan.
Magandang tanghali.