Wednesday, April 9, 2008

Ika-dalawamput dalawang Kabanata


“Shit! Ang sakit ng ulo ko!” sigaw ni Monroy na dahilan ng pagkagising ni Richard at Wiliard.

“Ang lakas palang tumama ng lambanog!” sabi ni Richard.

“Obvious naman kagabi na super-bangag ka!” wika ni WIlliard. “Hahaha!”

Lumabas ang tatlo sa kanilang tent upang mag-init ng tubig para makapagtimpla ng kape. Nakita nila si Jay na umiinom na. Maaga itong gumising at nagpakulo ng tubig. Matapos magtimpla ang tatlo ay nakipagkwentuhan sila kay Jay.

“Monroy, saan mo nabili yang tent mo? Ang ganda kasi.” tanong ni Jay.

“Galing yan sa states. Regalo ng papa ko.” sagot ni Monroy.

“Ito ang unang bundok na napuntahan ng tent na yan.” dagdag ni Richard.

Mula sa kanilang mga tents ay naglabasan ang iba pang mountaineers. Matapos magtimpla ng kape ay sumali ang mga ito sa kwentuhan.

“Kamusta mga tulog niyo?” tanong ni Jay.

“Memorable ang Banahaw sa akin.” sabi ni Tomy.

“Memorable naman talaga ang first climb.” sabi ni Lanie.

“Ito ang unang bundok na inakyat ko at ang unang pagkakataon na nasayaran ng alak ang lalamunan ko.” paliwanang ni Tomy. “Hahaha!”

Nagtawanan ang lahat ng mountaineers ng marinig ang tinuran ni Tomy.

“Si Kim nga nawala ang pagiging seryoso.” sabi ni Williard.

“Kim,sana lagi ka na lang lasing!” wika ni Richard.

“Shhhh…huwag kayong maingay dahil baka maistorbo ang bundok.” nakangiting wika ni Kim sabay kindat.

Muling nagtawanan ang lahat.

“Magandang umaga!” masiglang sabi ni Jeff.

“Saan ka nang-galing?” tanong ni Jay.

“Duon sa altar. Akala ko kasi ay nandun si Lily.” sagot ni Jeff. “Kim, nasaan si Lily?”

“Wala na siya sa tent ng magising ako. Baka naman nag…alam mo na yun.” sagot ni Kim.

“Hahaha! Mukhang lasing ka pa Kim!” biro ni Monroy.

“Mag-kape ka na.” alok ni Jay.

Tinungo ni Jeff ang kinalalagyan ng maliit na kaserola. Nilagyan niya ito ng tubig at muling isinalang sa stove upang pakuluin ito. Ilang sandali lang ay kumulo ang tubig kaya’t isinalin niya ito sa dalawang tasa.

“Ahhh! Shit!” hiyaw ni Jeff. Natapunan siya ng mainit na tubig sa kaliwang kamay.

“Hoy, ayos ka lang diyan?” pasigaw na tanong ni Monroy.

“Napaso ako!” sagot ni Jeff.

Nagtimpla ng dalawang tasang kape si Jeff at saka tinungo ang umpukan upang sumali sa usapan.

“Uy,bakit dalawa yan? Kayo na ba?” tanong ni Lanie.

“Secret!” sagot ni Jeff. “Ang lakas palang tumama ng lambanog.”

“Change topic daw sabi ni Jeff!” sabi ni Richard.

“Grabe yata yang paso mo.” sabi ni Kim. “Nalapnos yang balat!”

“Bagong kulo kasi yung tubig. Malayo naman yan sa bituka.” paliwanang ni Jeff.

Nakalipas ang labinlimang minuto ng kwentuhan ay hindi pa din nagpapakita si Lily.

“Maghanda na kayo. Aakyatin natin ang second at third peak.” wika ni Jay.

“Yeah!” sabay na sigaw ni Monroy at Richard.

“Jay, eh paano si Lily?” tanong ni Williard.

“Hindi naman baguhang mountaineer si Lily. Malay natin ay nauna na yun sa second peak.” sagot ni Jay.

“Oo nga!” dagdag ni Lanie.

“O sige, ganito na lang, hihintayin ko na lang muna si Lily dito.Baka kasi magbalik yun at makitang wala tayo ay magtampo.” paliwanang ni Jeff.

“Sigurado ka, Jeff?” tanong ni Monroy.

“Oo. Tsaka medyo kumikirot itong kamay ko.” sagot ni Jeff. “Okay lang ako. Larga na!”

Ganyan talaga ang nagagawa ng pag-ibig.” biro ni Monroy.

Nagpaiwan si Jeff sa kampo upang hintayin si Lily. Bago umalis ay binigyan ni Kim ng baby oil ang binata para sa lapnos nito.
Pansamantalang iniwan ng mga mountaineers ang kanilang campsite upang akyatin ang dalawa pang tuktok ng Bundok Banahaw. Ang mga ito ay kilala sa tawag na Ikalawa at Ikatlong durungawan. Matarik at mahirap ang daan patungo dito kaya naman “assault” ang kailangan. Para sa mga umakyat ng bundok, ang assault ang sistema kung saan ay tali at tubig lang ang bitbit sa pag-akyat. Ang lahat ng gamit ay maiiwan sa campsite na matatagpuan sa Unang Durungawan. Ang iba naman ay mapilit na dalhin ang kanilang camera upang kumuha ng larawan. Katulad ni Monroy na tuwang-tuwa ng marating ang ikalawang tuktok.

“Ang gandang puno nito.” sabi ni Monroy habang kinukunan ng litrato ang isang higanteng puno. “Chad, anong puno ito?”

“Malay ko ba dyan.” sagot ni Richard.

“kalumpang yan.” sabat ni Williard. “Nasaan kaya si Lily?”

“Nandyan lang yun, pare.” sabi ni Monroy.

“Baka nga “call of nature”, tol.” dagdag ni Richard.

Ipinapatuloy ng mga mountaineers ang pag-akyat. Narating nila ang Ikatlong Durungawan. Napakaganda ng kanilang pinagmamasdan. Nakatunghay ang lahat sa tanawin na mistulang obra-maestra ng Inang Kalikasan.

“Wow!” sabi ni Monroy. Niyaya niya ang bawat isa na pumuwesto. Isa-isa niyang kinuhanan ng solong litrato ang lahat.

Sandali pang ginalugad ng mga mountaineers ang Ikatlong Durungawan. Makalipas ang mahigit tatlumpung-minuto ng pamamasyal, nagpasya ang lahat na bumalik sa Unang Durungawan. Sa campsite, nadatnan nila ang isang kaldero ng bagong lutong kanin. May isang papel na iniwan si Jeff.

“Nagsaing na ako. Anong ulam natin? Hanapin ko lang si Lily.”

“Wala pa din si Lily?” tanong ni Kim.

“Nasaan kaya yung loka na yun? May load ka ba Jay?” tanong ni Lanie.

“Oo. Ite-tex ko siya.” sagot ni Jay. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at lumikha ng mensahe para kay Lily.

“Walang signal. Pupunta lang ako sa Altar para i-send ito.” wika ni Jay.
“Maghanda na kayo dahil bababa na tayo.”

Nagtungo si Jay sa Altar upang ipadala ang mensahe kay Lily. Nagtulong-tulong si Lanie, Kim, at Tomy sa pagluluto ng almusal. Inihaw na tinapa at Maling at pancit canton ang inihanda ng tatlo. Niyaya naman ni Monroy si Richard at Williard na maglinis ng paligid. Inilagay nila ang kanilang mga basura sa isang plastik. Maging ang mga basurang hindi nanggaling sa kanilang grupo ay pinulot nila. Dalawang plastik ng basura ang kanilang nakolekta. Dumating si Jay.

“Nag-text na ako. Sinubukan kong tawagan pero patay yata yung cellphone niya.” pahayag ni Jay.

“Hindi din naman siya nag-text sa akin.” sabi ni Lanie.

Dumating si Jeff.

“Wala pa din si Lily?” bungad nito.

“Wala pa eh. Saan ka nanggaling?” tanong ni Jay.

“Hinanap siya.”

“Halika na at mag-breakfast.” yaya ni Jay.

“Mamaya na! Hanapin muna natin siya!” wika ni Jeff. Medyo mataas na ang boses nito.

“Ano kaya kung hanapin muna natin si Lily?” suhestiyon ni Kim.

“Ti-nex ko na siya. Hintayin na lang natin ang reply niya habang kumakin.” kontra ni Jay.

“Agree ako diyan. Mountainer si Lily. Baka naman nagpasya lang yun na mag-sight-seeing.” dagdag ni Lanie.

Tahimik na kumain ang mga mountaineers. Kahit na nag-aalala sa kalagayan ni Lily, hindi maitatatwa na gutom ang bawat isa. Mabilis na natapos ang almusal ng grupo.

“Duon ako maghahanap.” bungad ni Jeff habang nakaturo sa isang direksyon.

“Duon naman kami ni Kim.” wika naman ni Lanie.

“Good thing ba na magsolo ka, Jeff?” tanong ni Monroy.

“Sandali! Kailangang may maiwan dito para magbantay ng mga gamit. Tatluhan na lang.” suhestiyon ni Jay.

“Ako, si Williard at si Richard.” masiglang wika ni Monroy.

“Lahat kayo ay baguhan. Ganito na lang, ako, si Jeff at ikaw Williard ang magkakasama.” mariing sabi ni Jay.

“I guess, si Kim at Tomy ang maiiwan sa campsite. Kaming tatlo ni Monroy at Richard ang aalis. Okay lang ba sa inyo yun?” tanong ni Lanie.

“Ayos lang! Ingat kayo.” tugon ni Kim.

"Inaantok pa rin kasi ako." dagdag ni Tomy.

Nahati ang pangkat sa dalawang maliit na grupo. Ang una ay binubuo nila Jay, Jeff at Williard. Ang ikalawa ay sila Lanie, Monroy at Richard. Si Tomy at Kim ang naiwan sa kampo upang magbantay. Napagkasunduan ng lahat na magbalik sa campsite sa oras na alas-nuebe.

Monroy, solo pic naman dyan.” hiling ni Lanie sa kasamahan. Pumuwesto siya sa tabi ng isang marikit na bulaklak.

“Say cheese.” sabi ni Monroy.

KLIK…

Hilig ni Monroy ang potograpiya. Mas gusto pa nga niya na siya ang kumukuha kaysa siya ang kinukuhanan.

“Nasaan kaya si Lily?” tanong ni Monroy.

“Malakas ang kutob ko na ayos naman siya. Baka naman tinawag ni Mother Nature. Pagkatapos ay nag-sight-seeing.” sagot ni Lanie.

“Sana nga.” sabi ni Monroy.

Sinuyod ng tatlo ang isang parte ng bundok. Habang naglalakad ay panay ang bigkas nila sa pangalan ni Lily. Narating nila ang isang matarik na bangin. Muli nilang tinawag ang pangalan ng kasamahan. Mula sa kinatatayuan, napansin ni Richard ang isang bilugang bagay sa bangin. Kulay itim ito na wari ay napaliligiran ng mga buhok.

“Ano yun?” tanong ni Richard sa dalawang kasama.

“Alin? Saan?” balik-tanong ni Lanie.

“Parang…parang...” paputol-putol na pahayag ni Richard. Hindi siya sigurado sa nakikita.

“Nasaan ba? Ah…nakita ko na. Shit! Ano yun?” hilakbot na wika ni Lanie.

“Oo nga! Parang ulo!” sigaw ni Monroy.

Nagkatinginan si Lanie, Monroy at Richard. Sandaling naghari ang katahimikan.

“Wala yun! Baka kung ano lang yun!” wika ni Lanie. Pinasigla niya ang kaniyang tinig. Iwinaksi ang totoong nasa isipan.

“Baba tayo.” suhestiyon ni Richard.

“No need for us to go there.” sabi ni Monroy. Gamit ang zoom ng kaniyang camera, tinutukan at kinuhanan niya ng litrato ang nasabing bagay pagkatapos ay sinuri ito sa screen. Siniko niya si Richard at saka ipinakita ang litrato sa screen.

“Loko ka! Buko yun! Bulok na kasi kaya nangitim na!” wika ni Monroy.

Lumapit si Lanie sa dalawa upang tingnan ang litrato.

“Lasing ka pa yata,Richard!” sabi ni Lanie. “Hahaha!”

Ipinagpatuloy ng tatlo ang paghahanap kay Lily. Panay pa rin ang klik ng camera ni Monroy. Sampung minuto bago mag alas-nuebe, nagyaya si Richard na bumalik sa campsite.

“Just a minute.” wika ni Monroy. Nakatutok ang kaniyang camera sa isang parte ng bundok. Gamit ang zoom ng kaniyang aparato, natanaw niya si Jay, Jeff at Williard. Tinutukan niya ng malapitan ang tatlong kasamahan at saka kinuhanan ng ilang litrato ang mga ito.

“Andun sila. Pabalik na din sa campsite!” sabi ni Monroy.

“Sinong sila?” tanong ni Richard.

“Kita mo sila diyan sa camera? Napaka-high tech naman niyan!” bulalas ni Lanie. “Patingin nga!”

Pinasilip ni Monroy si Lanie sa kaniyang camera.

“Ganyan pala yan! Kahit malayo ay matatanaw pa din basta naka-zoom!” sabi ni Lanie.

“Medyo Malabo nga lang kapag super layo na.” dagdag ni Monroy.

“Tara,balik na tayo!” yaya ni Richard sa dalawa.

Mas mabilis ang pagbalik kaysa sa pag-alis. Eksakto alas-nuebe ay nakabalik ang tatlo sa campsite. Naunahan pa sila ng kabilang grupo na marating ang kampo.

“Nag-reply na si Lily.” mahinahong sabi ni Jay. “Umuwi na pala siya dahil may emergency.”

“Huh? Ano daw yung emergency?” mabilis na tanong ni Lanie.

“Hindi niya binanggit. Sana naman ay hindi ganoon kasama yung emergency.” sagot ni Jay.

“Pabasa nga ng text niya, Jay.” sabi ni Williard.

Iniabot ni Jay ang kaniyang cellphone kay Williard. Agad naman itong ibinalik ni Williard matapos mabasa ang mensahe mula kay Lily.

"Huwag mo munang burahin yan,ha." sabi ni Wiliard kay Jay.

“At least, alam natin na walang nangyari sa kaniya.” dagdag ni Kim.

“Oo nga. Sige, ako na lang magbubuhat ng gamit niya.” masiglang pahayag ni Jeff. “Kahit mahirapan akong magdala ng mga iyan ay ayos lang dahil ako naman ang maghahatid niyan sa bahay nila.”

“May motibo naman pala! Tutulungan ka naman namin!” sabi ni Lanie.

“Sa Tatlong Tangke tayo bababa. Dapat ay nasa kapatagan na tayo bago mag-alas kuwatro dahil mahihirapan tayo kapag naabutan tayo ng dilim.” aliwanag ni Jay.

“Teka, diba si Lanie ang sweeper? Dapat siya ang magbubuhat ng gamit ni Lily!” pahayag ni Monroy.

“Oo nga! Hahaha!” sabay na hirit ni Richard at Tomy.

“Break camp!” sigaw ni Jay.